-- Advertisements --

Iginiit ni Senador Robinhood Padilla na hinog na ang panahon para amyendahan ang Saligang Batas sa pamamagitan ng people’s initiative basta ito ay totoong galing sa taumbayan.

Nagbabala rin si Padilla sa ilang mga pulitiko na huwag gamitin ang kapangyarihan ng mamamayan para sa sarili nilang ambisyon.

Aniya, taumbayan lamang ang makapagdadala ng tunay na pagbabago ng sistema tungo sa ikauunlad ng bayan.

Ipinunto ni Padilla na wala pa ang people’s initiative, “gamit na gamit” na ng ilang pulitiko ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) at Tulong Panghanapbuhay para sa Ating Displaced/Disadvantaged Workers (TUPAD).

Ayon sa Senador, ang dapat na isyu ay ang pagboto nang sabay ng Kamara at Senado sa Kongreso, kung saan sa botohan ay maaaring mabalewala ang boses ng 24 Senador laban sa higit 300 na miyembro ng Kamara.

Ito na ang panahon aniya para maresolba ang naiwang tanong sa ating Saligang Batas patungkol sa pag-amyenda o rebisyon ng ating Constitution. Tanging taumbayan na lamang ang maaaring magdesisyon.