Iniulat ng Department of Health (DOH) ang namonitor na ilang indibidwal na nahirapan sa paghinga at inatake ng anxiety o labis na pagkabalisa kasunod ng naunang pagputok ng bulkang Kanlaon.
Ayon kay DOH Undersecretary Gloria Balboa, mahigpit itong binabantayan ngayong ng ahensiya, sa pangunguna ng Center for Health and Development Negros Island Region (CHD NIR) upang matiyak na mabantayan ang kalagayan ng mga residente.
Nagpadala na rin ang DOH ng dagdag na supply ng N95 masks, wash and nutrition commodities, at karagdagang mga gamot sa local office nito.
Ang mga ito ay magagamit ng mga naka-deploy na DOH personnel, evacuees, at mga residente sa lugar.
Nagdeploy din ang ahensiya ng Human Resources for Health (HRH) teams sa mga evacuation center para sa karagdagang health services maliban pa sa serbisyong nanggagaling mismo sa mga lokal na pamahalaan.
Sa kasalukuyan ay tuloy-tuloy ang referral na ginagawa ng mga naturang team sa mga indibidwal na nakikitaan ng mga sakit patungo sa mga pangunahing hospital para sa karagdagang medical attention.
Ayon pa sa ahensiya, magpapatuloy din ang surveillance na ginagawa nito sa mga health-related symptoms upang maging maagap ang pagtugon sa kanilang mga pangangailangang medikal.