Hindi kumbinsido ang hanay ng mga employer sa panukalang panibagong umento sa sahod ng mga manggagawa sa National Capital Region na inihain kamakailan ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP).
Sa isang panayam sinabi ni Employers Confederation of the Philippines president Sergio Ortiz Luis Jr. na malabo ang tsansa na bigyang pansin ito ng mga opisyal at posibleng abutin na naman ng isang taon ang approval nito gaya ng sa huling petisyon para sa dagdag sahod.
Nauna ng sinabi ng Malacanang na ipauubaya ng pangulo sa regional wage board ang desisyon sa hiling ng TUCP na gawing P710 ang minimum na sahod sa Metro Manila. Gayundin sa hiling ng ilang manggagawa sa mga rehiyon.
Sa panayam naman ng Bombo Radyo sinabi ni Labor Sec. Silvestre Bello III na nasa kamay ng Kongreso ang tugon sa hirit ng mga manggagawa.
“Yung dagdag sahod ay wala sa kapangyarihan namin (DOLE), wala rin sa pangulo, it is Congress that increase our minimum wage. It is beyond our authority.”
Sa hiwalay naman na panayam ipinaabot ni Federation of Freedom Workers vice president Julius Cainglet ang suporta sa hiwalay na panawagang magkaroon ng national minimum wage.
“Pareho naman ang presyo ng bilihin mapa-Maynila o Bulacan, kaya bakit ganon? Pareho ang gastusin pero magkaiba ang sahod sa parehong trabahong ginagawa.”
Ngayong araw nakatakdang magsagawa ng kilos protesta ang iba’t-ibang grupo kasabay ng paggunita sa Araw ng Paggawa.
Sisimulan ng isang press conference sa Mendiola na susundan ng martsa patungong Plaza Miranda sa Quiapo at magtatapos sa isang programa sa Liwasang Bonifacio.
Bukod sa dagdag sahod, hirit ng mga grupo tuluyang wakasan ang contractualization at alisin ang dagdag buwis na ipinataw sa mga pangunahing produkto at serbisyo.