-- Advertisements --

Pinag-aaralan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang hirit na P15 na taas na pamasahe sa dyip.

Sa isang statement, inamin ng ahensiya na humaharap ang mga tsuper at operators ng dyip sa mga hamon dahil sa pagsirit ng presyo ng langis at mataas na cost of living o antas ng pamumuhay.

Kayat masinsinan aniyang pinag-aaralan ng LTFRB ang petisyon at ikinokonsidera ang lahat ng mga kaugnay na factors gaya ng trends ng presyo ng langis, inflation rates at ang kabuuang economic impact sa mga mananakay.

Gayundin, ikinokonsidera ng ahensiya ang posibleng magiging epekto ng hirit na minimum fare hike sa dyip sa panig ng mga mananakay.

Tiniyak naman ng ahensiya sa lahat ng stakeholders nito na magsasagawa ang board ng public hearings at mga konsultasyon para matiyak ang transparency at inclusivity sa proseso ng pagpapasya sa naturang usapin.

Sa kasalukuyan, ang minimum fare sa mga dyip ay nasa P13.