-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Welcome para sa matriarch ng Yanson family ang hinihinging reconciliation ng kanyang anak na si Roy sa gitna ng away nilang magpamilya.

Nabatid na nanawagan si Roy sa kanyang mga kapatid na sina Ma. Celina, Emily, Ricardo Jr., Jeanette at Leo Rey, na tigilan na ang away at pag-aagawan sa puwesto.

Ito’y kasunod ng isinagawang special stockholders meeting kung saan muling inihalal na presidente ng Yanson Group of Bus Companies si Leo Rey.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod sa abogado ni Leo Rey na si Atty. Norman Golez, welcome sa kanyang kliyente ang panawagan ni Roy basta’t sundin lamang nito ang inilatag na kondisyon ng kanilang ina na si Olivia.

Kabilang dito ang pagbalik ng shares ng matriarch sa kompanya, at ng kanyang voting rights na dapat pirmahan ni Roy.

Ayon kay Golez, hindi na bago ang mga panawagan ng reconciliation ni Roy kaya dapat ay may mangyaring pirmahan ng kasunduan.

Napag-alaman na nahati na sa dalawa ang paksyon sa pamilya na nagmamay-ari ng pinakamalaking bus company sa Pilipinas makaraang kinudeta ng kanyang mga nakakatandang kapatid si Leo Rey nitong Hulyo 7.

Ang inang si Olivia at mga anak nitong si Leo Rey at Jeanette ang magkakampi, samantalang nasa kabilang kampo sina Roy, Ma. Celina, Emily at Ricardo Jr.