Bagamat malamig na ang Commission on Elections (Comelec) sa pagpapalawig pa sa voter registration ay posible raw itong pag-usapan sa en banc session sa Lunes.
Kasunod na rin ito ng pagpasa ng Senado at House of Representatives ng resolusyon para hilingin sa poll body na palawigin ang registration hanggang katapusan ng Oktubre.
Pero sinabi ni Comelec Commissioner Marlon Casquejo sa Joint Congressional Oversight Committee on the Automated Election System (JCOC) hearing, malabo na umanong pagbigyan ng komisyon ang kanilang hirit dahil maaapektuhan na rin ang kanilang paghahanda sa national at local elections sa susunod na taon.
Aniya, malinaw sa nakapagkasunduan ng poll body na hanggang sa katapusan ng buwan ng Setyembre na lamang ang voter registration.
Una nang hiniling ng mga mambabatas na i-extend ang registration dahil nalimitahan ang galaw ng ating mga kababayan nang magpatupad ng lockdown dahil sa pangamba nang pagkalat ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Pero depensa naman ni Casquejo, pinayagan naman ng Comelec na magkaroon ng registration sa mga lugar na nasa ilalim ng modified enhanced community quarantine.
Noong Agosto 27 nasa 61.06 million na ang registered voters sa buong bansa.
Kahapon nang inadopt ng Senado ang resolution na nanghihimok sa Comelec na palawigin ang voter registration hanggang Oktubre 31.
Samantala, isasama naman daw ng isang senador sa kanyang sponsorship ang P8 billion na karagdagang pondo na kailangan ng Comelec na pambili ng karagdagang vote counting machine (VCM).