LEGAZPI CITY – Hindi pinagbigyan ng Regional Trial Court Branch 53 sa lungsod ng Sorsogon ang petisyon sa habeas corpus ng tatlong inarestong rebelde matapos ang engkwentro sa Brgy. Cabiguan, Pilar, Sorsogon.
Maaalalang naghain ng petition for Habeas Corpus sina Carlito de Guzman alyas Ka Jim o Mario Torres, 63; Joan Cuesta alyas Ka Tina, 40; at Hugo Fuentes alyas Ka Hugo, 70, pawang residente ng Metro Manila laban kina Sorsogon Police Provincial Office Provincial Director Col. Marlon Tejada at Sorsogon City PNP chief of Police Lt. Col. Jefferson Araojo.
Iginiit ng tatlo na may iregularidad umano sa isinagawang inquest proceedings kung pagbabasehan ang 10 minuto na lamang na natitira bago ang 36-hour period sa ilalim ng Article 125 ng Revised Penal Code.
Dagdag pa ng mga ito na nalabag ang kanilang karapatan na pumili kung nais nilang magsailalim sa inquest proceeding o preliminary investigation kaya iligal umano ang pag-aresto sa mga ito.
Sa desisyon na ibinaba ng RTC, iginiit nito na ikinulong ang petitioners dahil sa pagkaka aresto sa mga krimen laban sa estado at konektado sa seguridad ng publiko.
Valid aniya ang detention sa mga ito at ipag-utos ng korte kung kaya patuloy ang pag-exercise ng mga respondents sa temporary custody sa mga nagpepetisyon.