-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Hindi pinaburan ng lokal na pamahalaan ng Malay ang hirit ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI)-Boracay na alisin ang liquor ban at curfew sa isla.

Ayon kay Malay Mayor Frolibar Bautista mas mabuting sundin muna ngayon ang ipinalabas na Executive Order ni Aklan Governor Florencio Miraflores na naglalayong mapigilan ang pagtaas ng kaso ng coronavirus disease (COVID-19).

Batay sa nabanggit na EO, ipinagbabawal ang pagbebenta ng alak at pag operate ng mga bars sa Aklan.

Nauna nang nagpalabas ng kalatas ang PCCI-Boracay na humihiling ng free movement o huwag ng isama ang isla sa EO lalo pa at unti-unti ng bumubuhos ang mga turista mula sa National Capital Region (NCR) at kalapit na lalawigan.

Dapat anilang payagang magbenta ng alak sa mga DOT accredited hotels na may authority to operate gayundin ang mga restaurants at bars.

Nais rin ng PCCI na paikliin ang curfew hours sa Boracay mula ala-1:00 ng madaling araw hanggang alas-4:00 ng madaling araw sa halip na alas-10:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga.

Samantala, nilinaw pa ni Mayor Bautista na walang age restrictions sa mga turista, subalit bawal lumabas ang mga residenteng 15 anyos pababa ag 60 anyos pataas.