Kinumpirma ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary officer in charge Usec. Catalino Cuy na tumanggi si Pangulong Rodrigo Duterte na pagbigyan ang kahilingan ng Commission on Human Rights (CHR) na mabuksan ang lahat ng case folder ng mga napatay sa war on drugs.
Sa pabayam kay Cuy, kaniyang sinabi na batay sa kanilang pagpupulong sa Malakanyang, iginiit ng pangulo ang una nitong kautusan na hindi maaaring maimbestigahan ang mga pulis at sundalo patungkol sa paglabag sa human rights nang walang basbas nito.
Ito’y kahit pa nagkasundo na ang Philippine National Police (PNP) at CHR nang magpulong ang mga ito sa Camp Crame kamakailan.
Napagkasunduan din na magtutulungan ang PNP at CHR sa mga imbestigasyon sa mga napapatay sa war on drugs.
Inihayag ni Cuy, dahil sa hindi pumayag ang pangulo, hahanap na lang sila ng ibang paraan kung paano matutulungan ang CHR sa mga imbestigasyon nito nang hindi binubuksan ang lahat ng case folder.
Umaasa si Cuy na maiintindihan ni CHR Chairperson Chito Gascon ang desisyon ng pangulo.
Aniya, sa kanila ay walang problema pero sumusunod lamang sila sa utos ng pangulo.