-- Advertisements --

Isasalang sa evaluation at pag-aaral ng Department of Justice kung maaaring maging testigo ng gobyerno o state witness and self-confessed gunman na si Edgardo Luib.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, aalamin ng kagawaran kung nakatutugon si Luib sa mga rekisito ng mga tinatanggap na state witness.

Si Luib ay nadakip ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at umaming siya ang pumaslang sa negosyanteng si Dominic Sytin.

Itinuro naman nito ang kapatid na lalaki ng biktima na si Dennis Sytin na mastermind sa krimen.

Paliwanag ng justice chief, ang sino mang testigo na tinatanggap bilang state witness ay kailangang mahalagang-mahalaga ang testimonya sa ikalulutas ng krimen, may nagpapatunay o magpapatunay ng kanyang testimonya, walang direktang ebidensiya ng kanyang partisipasyon sa krimen at hindi siya ang most guilty.

Una nang lumiham si Luib sa DOJ panel of prosecutors na nagsasaad ng kanyang pagnanais na maging state witness sa Dominic Sytin murder case.