-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Inamin ni Malay acting Mayor Frolibar Bautista na hindi pinayagan ng Boracay Inter-Agency Task Force partikular ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Sec. Roy Cimatu ang kanilang hirit na maibalik ang inaabangang bonggang fireworks display sa New Year’s Eve sa Boracay.

Ayon sa alkalde, nanindigan ang task force sa Executive Order 28 ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipinagbabawal ang anumang firecrakers at fireworks display sa pagsalubong sa Bagong Taon lalo na kung isasagawa ito sa dagat.

Maaari naman aniyang magsagawa ng fireworks display ngunit nasa 500 meters ang layo nito mula sa shoreline, pero wala na itong “trill” dahil ito lamang ang nais at dinarayo ng mga turista sa nasabing isla tuwing New Year’s Eve.

Dahil dito, nagkasundo na lamang ang mga opisyal ng bayan na sa mainland Malay gagawin ang fireworks display upang sabay-sabay nilang salubungin ang 2020.