Ibinasura ngayon ng Commission on Elections (Comelec) ang hirit ng opposition senatorial bets na mag-organisa ang komisyon ng debate para makaharap ng “Otso Diretso” ang pambato ng administrasyon.
Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, sa isinagawang en banc session tatlong rason daw ang ibinigay ng mga commissioner kung bakit hindi nila maoorganisa ang debate.
Una, sakali umanong pagbigyan ang hirit na debate, magiging mistulang pagbibigay ito ng special treatment sa iilang senatorial candidates o partido.
Maliban dito, gahol na raw ang Comelec sa pag-organisa ng debate lalo’t halos dalawang buwan na lang ay halalan na.
Dahil dito, imposible na raw na makapag-organisa pa ang Comelec ng isang malaking debate kung pag-uusapan ay ang kanilang logistics.
Panghuli, sinabi ng Comelec na mahirap maiwasan ang mga alegasyon ng pagbibigay ng preferential treatment sa ilang kandidato na sasalang para sa isang makabuluhang debate dahil nasa 62 lahat ang mga tumatakbong senador.
Una rito, sumulat ang mga pambato ng Liberal Party (LP) sa Comelec para hilinging mag-organisa ng debate matapos hindi siputin ng kandidato ng administrasyon o “Hugpong ng Pagbabago” ang kanilang hamong debate sa Quiapo, Maynila kamakailan.
“The en Banc has deliberated on the request and the request will be denied for three reasons: 1) granting Otso Diretso’s request would be tantamount to giving preferentia treatment to some senatorial candidates or slates; 2) it would be practically impossible, logistically, to conduct meaningful debates involving all 62 candidates, without risking allegations of preferential treatment; and 3) there are considerable time constraints, with only abt 2 months remaining,” wika ni Jimenez.