Pag-aaralan na umano ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang apela ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na muling buksan ang interchange ng Muñoz gayundin ang North Avenue at West Avenue upang gumaan ang daloy ng trapiko sa mga chokepoint sa bahagi ng EDSA.
Batay sa mga ulat, mabigat ang daloy ng trapiko mula sa Muñoz diretso na papunta ng Cloverleaf, Bagong Barrio, Caloocan.
Sa kabila nito, nananatili pa ring bukas ang U-turn slot sa Bagong Barrio.
Ayon kay MMDA General Manger Jojo Garcia, nakapag-usap na sila ni Mayor Belmonte nitong Martes at kailangan pa uling magpulong upang malaman kung anong naging basehan ng lokal na pamahalaan para buksan muli ang dalawang interchange.
Tiniyak naman ng MMDA na payagan man o hindi, tutulong pa rin daw sila sa QC Department of Public Order and Safety sa pagmamando sa daloy ng trapiko sa bahagi ng EDSA.