Inamin ng ilang mga eksperto sa bansa na maging sila ay nagulat sa tinuran ng Pangulong Rodrigo Duterte na idinulog na mismo sa United Nations (UN) ang panalo ng Pilipinas sa arbitral ruling noong taong 2016 laban sa China.
Ayon kay Prof. Rommel Banlaoi, isang political scientist at security expert, mabibigat na isyu ang binitawan ng Pangulo sa 75th UN General Assembly (UNGA) at pangunahin dito ang usapin sa South China Sea.
Tinawag ito ng professor na isang malaking “pushback” laban sa China upang palawakin pa ang isyu at makahanap ng marami pang international support.
Itinaas din umano ng Pangulo ang “political leverage” hinggil sa naturang kontrobersiyal na usapin.
Sinabi naman ng maritime expert na si Atty. Jay Batongbacal, associate professor sa University of the Philippines, natutuwa siya sa ginawa ni Duterte at sana araw maging “consistent” upang depensahan ang soberenya ng Pilipinas.
Ayon kay dating Foreign Affairs Sec. Albert del Rosario, positibong development ito, lalo’t ginawa ng Pangulo ang kauna-unahang statement para sa The Hague ruling sa mismong UN General Assembly.
“We are heartened to know that he is not at all impervious but listens to the will of his countrymen,” wika ni Del Rosario.
Naniniwala si Del Rosario, isa sa masidhing nagsulong sa posisyon ng Pilipinas, ginawa raw ni Duterte ang nararapat para sa ating ipinaglalabang teritoryo.
Ikinagalak din nito ang pakikiisa ng ibang mga bansa para suportahan ang ating claims sa West Philippine Sea.
Para naman kay Sen. Panfilo Lacson, nabura na umano ang mga pagdududang ipaglalaban ni Pangulong Duterte ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Inihayag ni Lacson na ang mga Filipino mula sa iba’t ibang political faction ay tiyak na nagalak sa matatag na pagbibigay diin ng ating Pangulo para sa ating posisyon sa West Philippine Sea.
Hangad umano niyang narinig at maintindihan ng malinaw ng China ang nasabing mensahe.
“Alipin’ no more! Hearing the President invoke the Award before the UN General Assembly while firmly rejecting any attempt to undermine it should now erase doubts on where he stands regarding the WPS issue,” ani Sen. Lacson sa kanyang social media account.
“The Award is now part of international law, beyond compromise and beyond the reach of passing governments to dilute, diminish or abandon. We firmly reject attempts to undermine it,” ani Duterte sa kanyang recorded na virtual speech. “We welcome the increasing number of states that have come in support of the award and what it stands for — the triumph of reason over rashness, of law over disorder, of amity over ambition. This – as it should – is the majesty of the law.”
Kung ipapaalala sa 501-page ruling ng The Hague sa Netherlands, na ibinaba makalipas ang tatlong taon nang isampa ng Pilipinas sa ilalim ng Aquino administration noong January 2013, sinabi doon na walang legal basis ang China na pag-angkin sa mga lugar na nasa ilalim nang tinagurian nilang “nine-dash line” sa South China Sea.
“The Tribunal concluded that there was no legal basis for China to claim historic rights to resources within the sea areas falling within the ‘nine-dash line’,” saad pa ng bahagi ng Permanent Court of Arbitration ruling.
Samantala ang 75th session ngayon ng UNGA ay merong tema na, “The Future we want, the United Nations we need: reaffirming our collective commitment to multilateralism – confronting COVID-19 through effective multilateral action.”
Ang mga world leaders ay inabisuhan na magpadala ng kanilang pre-recorded videos at mga talumpati para naman i-broadcast ito ng live mula sa UN headquarters sa New York.
Ang UNGA ang siyang pangunahing deliberative body ng United Nations kung saan ang lahat ng 193 na mga bansa ay may kumakatawan.