Mananatili pa rin sa bilangguan si dating Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Governor Datu Zaldy Uy Ampatuan matapos ibasura ng Supreme Court (SC) Ang hirit nitong makapagpiyansa dahil sa mga kasong isinampa sa kanya kaugnay ng karumal-dumal na krimeng tinaguriang Maguindanao massacre.
Sa desisyon ng Supreme Court First Division wala umanong merito ang petisyon para payagan siyang makapaglagak ng piyansa sa kaso ng Maguindanao massacre.
Sa resolusyon ng SC First Division na may petsang July 22, 2019, tinukoy nito na nabigo ang petitioner na patunayang may “reversible error” o pagkakamali sa naunang desisyon ng Court of Appeals (CA).
Paliwanag pa ng Kataas-taasang Hukuman, ang mga inilahad na argumento ni Ampatuan sa kanyang petisyon kasama na ang pagtanggi na siya ay sangkot sa krimen at ang kanyang mga alibi ay maituturing na mga factual issue na pinakaminam na matalakay sa isang full blown trial.
Magiging premature din umano kung magpapasya ang Korte Suprema nang lagpas sa itinatakda ng judicial review at maari rin na mapangunahan nila ang mga partido sa pagpiprisinta ng ebidensiya sa trial ng kaso.
Maalalang nahaharap ang dating gobernador sa kasong murder dahil sa pagkamatay ng 58 katao.
Inaakusahan siya ng pakikipagsabwatan sa pagpatay sa mga biktima kasama ang mahigit 30 mamahayag noong November 23, 2009 sa Sitio Masalay, Barangay Salman sa bayan ng Ampatuan.
Una nang ibinasura ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) ang kanyang application for bail dahil malakas umano ang ebidensiyang iprinisinta ng prosekusyon para sabihing siya ay maaring guilty sa krimen.
Ang desisyong ito ng trial court ay kinatigan ng Court of Appeals (CA) sa kanilang desisyon noong April 18, 2018 at sa kanilang resolusyon noong December 14, 2018 na nagbasura sa motion for reconsideration ni Ampatuan.