-- Advertisements --

Agad na ibinasura ng World Boxing Council (WBO) ang panawagan ni Sen. Manny Pacquiao at Games and Amusements Board (GAB) na magsagawa ng imbestigasyon sa naging gawi ng referee at istilo ng scoring ng mga judges sa kontrobersiyal na Pacquiao-Jeff Horn championship fight nitong nakalipas na Linggo sa Australia.

Ayon sa WBO, hindi na maaaring mabaligtad pa ang desisyon ng referee o kaya ng judges sa nasabing laban.

Ito aniya ay liban lamang kung may pandaraya at paglabag sa mga batas.

Giit pa ng WBO, wala umanong nangyaring ganito sa katatapos lamang na laban.

Sa statement ni WBO President Paco Valcarcel na kanyang inilathala sa kanyang Twitter account na @PacoValcarcel, nagpanukala pa siya na maaaring isagawa na lamang ang rematch dahil nakasaad naman ito sa kontrata.

“The discretion of a referee or judge cannot be reversed, except in a case of fraud or violation of laws which is not the case in Pac vs. Horn,” ani Valcarcel.

Una nang sinabi ni Pacman na ang kanyang panawagan ay wala namang layunin na baligtarin ang desisyon.

Sinabi ng fighting senator ang pagsuporta niya sa apela ng GAB ay alang-alang sa sports at sa interes ng mga fans.

“WBO should take appropriate action on the letter sent by the Games and Amusement Board (GAB) so as not to erode the people’s interest in boxing. On my part, I had already accepted the decision but as a leader and, at the same time, fighter I have the moral obligation to uphold sportsmanship, truth and fairness in the eyes of the public. I love boxing and I don’t wanna see it dying because of unfair decision and officiating,” wika ni Pacquiao.