-- Advertisements --
Pres Duterte
Pres. Duterte cast votes on 2016 election

DAVAO CITY – Limang araw bago ang isasagawang eleksiyon, nakipag-ugnayan na ang mga personahe ng Presidential Security Group (PSG) sa Davao City Police Office (DCPO) para sa ipatutupad na seguridad sa Daniel R. Aguinaldo National High School (DRANHS) kung saan nakatakdang bomoto si Pangulong Rodrigo Duterte.

Napag-alaman mula sa admin officer ng nasabing paaralan na hiniling umano ng PSG na sa iisang classroom lamang si Pangulong Duterte para masiguro ang seguridad nito habang bomoboto.

Kinumpirma naman ni Margie Castillo, admin officer ng DRANHS na ilalabas nila ang historic chair na ginamit ni Pangulong Rodrigo Duterte noong bomoto ito at nanalo sa 2016 Presidential election.

Maliban kay Pangulong Duterte, nakatakda rin na boboto sa nasabing paaralan si Davao City Mayor Inday Sara Duterte-Carpio.

Samantalang sinabi rin ni Police Col. Alexander Tagum, director ng Davao City Police Office (DCPO) na nakahanda silang magbigay ng dagdag na mga personahe para magpatupad ng seguridad sa lugar kung saan boboto ang pamilyang Duterte.