-- Advertisements --

Lumikha ng kasaysayan si Carlos Yulo bilang kauna-unahang Pilipinong gymnast na nakasungkit ng gintong medalya sa FIG Artistic Gymnastics World Championships.

Dinomina kasi ni Yulo ang floor exercise event sa nasabing torneyo na ginanap sa Hans Martin Schleyer Halle sa Stuttgart, Germany.

Umiskor ng 15.300 si Yulo sa men’s floor exercise final – 8.800 sa execution at 6.500 sa difficulty – rason para madaig nito ang mga karibal na sina Artem Dolgopyat ng Israel at Xiao Ruoteng ng China.

Dahil sa tagumpay na ito ni Yulo, lumakas din ang kanyang reputasyon bilang paboritong magwagi sa Southeast Asian Games.

Maaalalang ang 19-anyos na si Yulo ang ikalawang Pilipinong atleta na nakadagit ng puwesto sa Tokyo Olympics sa susunod na taon.

Una nang nakapasok sa Olimpiyada ang pole vaulter na si EJ Obiena noong nakalipas na buwan.