Natuloy na rin ngayon ang makasaysayang paglunsad ng SpaceX sa kauna-unahang manned flight mula sa kalupaan ng Estados Unidos sa loob ng siyam na taon.
Lumipad patungo sa kalawakan ang SpaceX Falcon 9 rocket mula sa Kennedy Space Center dakong alas-3:22 ng hapon (alas-3:22 ng madaling araw sa Pilipinas) kung saan lulan sa bagong disenyong Crew Dragon capsule ang mga astronaut na sina Doug Hurley at Bob Behnken.
Inaasahang tatagal ng 19 oras ang biyahe nina Hurley at Behnken patungo sa International Space Station.
Ilang saglit bago ang liftoff, sinabi ni Hurley na , “SpaceX we’re go for launch. Let’s light this candle,” na kagaya ng binitawang kataga ng kauna-unahang Amerikano sa kalawakan na si Alan Shephard noong 1961.
Humiwalay ang Crew Dragon sa second stage booster nito bandang alas-3:35 ng hapon, at pumasok sa orbit ilang minuto ang nakalipas.
“It’s incredible, the power, the technology,” wika ni US President Donald Trump, na nasa Kennedy Space Center sa Cape Canaveral sa Florida para sa paglulunsad, “That was a beautiful sight to see.”
Noong Huwebes nang hindi itinuloy ang unang launch try ng misyon dahil sa banta ng masungit na panahon.
Ayon kay NASA chief Jim Bridenstine, ang pagpapatuloy ng pagpapadala ng American astronauts sakay sa mga rocket na gawa ng Estados Unidos mula sa kanilang kalupaan ay ang pangunahing prayoridad ng space agency.
“I’m breathing a sigh of relief, but I will also tell you I’m not gonna celebrate until Bob and Doug are home safely,” wika ni Bridenstine.
Huling naglunsad ang NASA ng mga astronauts sa kalawakan sakay sa bagong sasakyan ay noon pang 40 taon ang nakalilipas sa umpisa ng space shuttle program.
Inaasahang tatagal ng ilang linggo sa space station sina Hurley at Behnken kung saan aasiste sila sa crew sa orbital laboratory.
Para naman kay Trump, ito na raw ang simula at umaasa ito na balang araw ay maaabot na rin ng kompanya ang planetang Mars.
Kasamang nanood ni Trump sina Vice President Mike Pence, Commerce Secretary Wilbur Ross, Education Secretary Betsy DeVos, Florida congressman Matt Gaetz at Senator Rick Scott.
Ang SpaceX ay isang pribadong kompanya na pagmamay-ari ng bilyonaryong si Elon Musk. (Reuters)