Bomoto na ang US House of Representatives upang i-impeach si outgoing US President Donald Trump 232-197.
Si Trump ang nag-iisang Pangulo ng Amerika na na-impeach ng dalawang beses.
Ang resolusyon sa impeachment na ibinoto ng Kamara ay may kaugnayan sa kasong “incitement of insurrection” dahil sa kaniyang naging papel sa nangyaring kaguluhan sa US Capitol noong nakaraang linggo.
Sinasabing ng mga kalaban sa politika mula sa mga Democrats, na si Trump daw ang nag-udyok sa kanyang mga supporters upang okupahan ang US Capitol na nagkataong may joint session noong panahong iyon.
Sampung mga kaalyado ni Trump ang bumaligtad at bomoto laban sa kanya upang paburan ang impeachment. Ang mga ito ay kinabibilangan nina:
Rep. Dan Newhouse of Washington
Rep. John Katko of New York
Rep. Jaime Herrera Beutler of Washington
Rep. Adam Kinzinger of Illinois
Rep. Fred Upton of Michigan
Rep. Liz Cheney of Wyoming
Rep. Peter Meijer of Michigan
Rep. Anthony Gonzalez of Ohio
Rep. Tom Rice of South Carolina
Rep. David Valadao of California
Napag-alaman na ang mga susunod na hakbang sa proseso ay medyo hindi pa malinaw.
Sinasabing hindi kasi pumayag si Senate Majority Leader Mitch McConnell na ibalik nang maaga ang Senado at ipinaalam niya iyon kay Senate Minority Leader Chuck Schumer.
Nangangahulugan lamang ito na ang paglilitis sa Senado ay hindi mangyayari ngayon hanggang sa umalis si Trump sa White House.
Pero binigyang diin ni Schumer na posibleng isagawa ang emergency session ng Senado bago ang Jan. 19.
“The president of the United States incited a violent mob against the duly elected government of the United States in a vicious, depraved, and desperate attempt to remain in power,” giit pa ni Schumer. “For the sake of our democracy, it cannot and must not be tolerated, excused, or go unpunished.”
Kung maalala, muling nanindigan si House Speaker Nancy Pelosi na dapat nang umalis si Trump sa kaniyang tungkulin dahil malinaw na nagbibigay lamang daw ito ng panganib sa kanilang bansa.
Aniya, ang Pangulo ay dapat na i-impeach kaya naniniwala siya na dapat na itong hatulan ng Senado sa kabila na isang linggo na lamang ito sa White House.
“President Trump has proven he is a clear and present danger to our American democracy,” ani Pelosi sa statement. “He must be impeached and removed from office.”
Inakusahan din ng lider ng kanilang Kamara si Trump, na determinado umano ito na ibagsak ang mga bagay na kanilang pinahahalagahan. (with reports from Bombo Jane Buna)