Napipintong makontrol muli ng Democrats ang majority ng Senado ng Amerika dahil sa projections na ang mananalo sa runoff sa estado ng Georgia ay ang Democratic Senate candidate na si Rev. Raphael Warnock laban sa Republican na si Kelly Loeffler.
Habang abanse naman sa bilangan si Democratic candidate Jon Ossoff laban sa incumbent na si Republican David Perdue.
Si Warnock, isang senior pastor ng Ebenezer Baptist Church sa Atlanta ay gumawa ng kasaysayan bilang unang Black US senator mula sa Georgia.
Ang halalan sa Georgia ay muling isinagawa matapos na mabigo ang mga kandidato noong Nobyembre na makuha ang threshold sa botohan kasabay ng general election.
Kailangan kasi ng isang kandidato na makuha ang 50% ng mga boto.
Kung pormal na ideklara ang panalo ng dalawang Democrats, lalabas na ang Senate ay magiging 50-50 na o pareho na ang bilang sa mga miyembro rin na Republicans.
Dahil sa ang incoming Senate president at presider ay si Democratic Vice-President elect Kamala Harris magagawa na niyang bomoto bilang tie-breaking vote.
Kung maalala hawak naman ng mga Democrats ang control ng US House of Representatives.
Sinasabing sa nakalipas na 20 taon ay wala pang Democrat na nanalo ng puwesto sa Georgia, pero nagbago ang sitwasyon makaraang manalo si dating Sen. Joe Biden sa presidential elections sa naturang estado.
Samantala, madramang tagpo rin ang nangyari sa special joint session ng kanilang Senado at Kamara upang pormal na ratipikahan sana ang resulta ng presidential elections kung saan nanalo si Biden.
Pero hinaharang ito ngayon ng ilang grupo na kapartido ni US President Donald Trump mula sa Republicans kaya nauwi sa mahabang debate.
Kadalasan ay pormalidad lamang o procedural ang ratipikasyon sa resulta ng electoral votes.
Ang hakbang ng ilang Republicans senators na pagharang sa panalo ni Biden ay inaasahan namang kokontrahin ng mga Democrats lalo at ang resulta ng halalan noong Nobyembre ay sinertipikahan na ng mga US states.
Samantala sa harap naman ng US Capitol kung saan nandoon ang US Congress ay nagtipon-tipon ang maraming supporters ni Trump upang iprotesta pa rin ang naganap umanong dayaan noong nakaraang taon sa presidential elections.
Ang nabanggit na protesta na pinainit pa ng pagsuporta ni Trump ay nagdulot nang biglang pag-recess ng proseso sa Kongreso nang mapasok na rin ng mga raliyesta ang building at ang mismong session hall.
Bago ang joint session ng US Congress, pinagsabihan umano ni Pence si outgoing Pres. Trump na wala siyang karapatan o kapangyarihan na harangan ang sertipikasyon sa pagkapanalo ni Biden.
Malumanay ding ipinaalam ni Pence kay Trump sa ginawang pagpupulong na ang “kapangyarihan ay hindi umiiral para sa kanya na harangan ang proseso.”
Hindi naman ito matanggap ni Trump at binatikos na rin ang kanyang ka-tandem sa pamamagitan ng social media.
“Mike Pence didn’t have the courage to do what should have been done to protect our Country and our Constitution, giving States a chance to certify a corrected set of facts, not the fraudulent or inaccurate ones which they were asked to previously certify. USA demands the truth!”