Inanunsyo ng Vatican na nakatakdang magtungo sa susunod na taon sa Iraq si Pope Francis, na kauna-unahang pagbisita ng isang Santo Papa sa nasabing bansa.
Ayon kay Vatican spokesman Matteo Bruni, bibisita ang Catholic pontiff sa kabisera ng bansa na Baghdad, Ur, Erbil, Mosul at Qaraqosh sa kapatagan ng Nineveh mula Marso 5 hanggang 8.
“The program of the journey will be made known in due course, and will take into consideration the evolution of the worldwide health emergency,” saad ni Bruni sa isang pahayag.
Ito ang kauna-unahang biyahe ni Pope Francis matapos ang mahigit isang taon.
Magugunitang kinansela ang lahat ng mga biyahe ng Santo Papa ngayong taon dahil sa COVID-19 pandemic.
Noong 2000, inihayag ni Pope John Paul II na nais nitong magtungo sa siyudad ng Ur, na sinasabing lugar ng kapanganakan ni Abraham, na ama ng tatlong monotheistic religions na Kristyanismo, Islam at Judaism.
Ito sana ang first leg ng three-step pilgrimage sa Iraq, Egypt at Israel.
Pero hindi na ito natuloy dahil hindi nagbunga ang negosasyon ng Vatican sa gobyerno ng dating Iraqi leader na si Saddam Hussein. (Reuters)