Nakiisa ang Department of National Defense (DND) sa paggunita ng ikawalong anibersaryo ng makasaysayang panalo ng Pilipinas sa 2016 ruling ng Permanent Court of Arbitration ngayong araw.
Sa mensahe ni Defense Secretary Gilberto Teodoro, sinabi ng kalihim na hindi basta biro-biro at basta salita lamang ang iginawad na 2016 Arbitral award sa Pilipinas na nagbasura sa malawakang claims ng China sa disputed waters saklaw ang WPS.
Aniya, isinasapuso ng bawat miyembro ng DND ang arbitral ruling lalo na ng mga tropang Pilipino na nagbabantay sa BRP Sierra Madre outpost sa Ayungin shoal para masiguradong tanging ang mga Pilipino lamang ang makikinabang sa likas na yaman sa mga karagatan sa WPS na magagamit ng mga susunod na henerasyon.
Ang arbitral ruling din aniya ang huhubog sa kinabukasan ng ating bansa at ito ang rason kung bakit hindi dapat itong ituring na isang piraso ng papel lamang.
Kaugnay nito, tiniyak ng DND chief na kanilang ipagpapatuloy na protektahan ang teritoryo at sovereign rights ng ating bansa upang makinabang dito ang Republika ng Pilipinas at hindi ang ibang bansa.