BAGUIO CITY – Kinilala ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang historical value ng Philippine Military Academy.
Pinangunahan ni NHCP Acting Executive Director Ludovico Badoy ang unveiling ceremony ng historical marker ng PMA kasama si Lieutenant General Ronnie Evangelista, ang PMA Superintendent.
Mandato ng NHCP na itaguyod ang kasaysayan ng Pilipinas sa pamamagitan ng mga museums, research at publications at pagpreserba ng historical heritage sa pamamagitan ng konserbasyon at pagmarka sa mga makasaysayang lugar at istruktura.
Ayon kay PMA acting information chief Reynan Afan, noong nakaraang taon pa ang aplikasyon nila sa NHCP para sa pagdeklara ng historical value sa Marcelo Hall, Borromeo Field at Sundial ng akademya.
Napag-alaman na ang Marcelo Hall ang kauna-unahang istruktura na itinayo ng mga Amerikano noong 1950s kasabay ng pagtatag sa hallowed grounds ng Borromeo Field habang itinayo naman ang Sundial noong 1957.
Sinabi ni Afan na nagdesisyon ang NHCP na ideklara ang buong akademya bilang historical site kung saan itinayo ang historical marker sa main gate ng PMA.
Mababasa sa marker ang kasaysayan ng akademya mula noong 1905 sa Intramuros, Maynila hanggang sa pinasinayaan sa kasalukuyang lokasyon nito sa Fort General Gregorio del Pilar, Loakan, Baguio City.
Binanggit pa dito ang pagsasara ng akademya noong sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig kung saan ng mga kadete ay lumahok sa digmaan.