Bumisita sa Camp Aguinaldo ang mga miyembro ng Bangsamoro Transition Commission (BTC) sa pangunguna ni Commissioner Ghazali Jaafar na siya ring vice chairman ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na tumapak sa main military headquarters ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga MILF members.
Sinalubong ng AFP band at isa-isang pumasok sa loob ng general headquarters ng AFP ang 10 miyembro ng BTC na binigyan ng tig-isang puting rosas na simbolo umano ng kapayapaan.
Personal na sinalubong ni AFP Chief Gen. Carlito Galvez at mga heneral ang mga kasapi ng komisyon.
Ayon kay AFP Public Affairs Office (PAO) Chief Col. Noel Detoyato, nagkaroon ng courtesy call ang mga BTC members na sinundan naman ng pulong sa pagitan nila ng mga military officials.
Sa nasabing pulong, iprinisinta ng AFP sa BTC kung paano ang magiging transition sa panig ng militar sa sandaling simulan ng ipatupad ang Bangsamoro government.
Matatandaang halos dalawang dekada na ring “on and off” ang peace negotiations ng gobyerno sa MILF kung saan humantong pa sa all-out war sa pagitan ng dalawang panig noong termino ni dating Pangulong Joseph Estrada noong 2000.
Nagkaroon din ng negatibong epekto sa peace talks ang nangyaring madugong engkwentro sa Mamasapano, Magundanao na ikinasawi ng 44 na PNP-Special Action Force troopers.