-- Advertisements --
Dr Shuping Wang play
Dr Shuping Wang after the play “The King of Hell’s Palace” in London (photo from @Hamps_Theatre)

Pumanaw na ang whistleblower na nagbulgar sa HIV at hepatitis epidemics sa central China noong dekada nubenta.

Binawian ng buhay Dr Shuping Wang sa edad na 59-anyos sa estado ng Utah sa Amerika.

Noong 1990s naisalba ni Wang ang libu-libong katao bunsod ng posibleng pagkalat ng HIV.

Dahil sa ginawang pagbubulgar ni Dr Shuping marami ang nagalit sa kanya hanggang sa mawalan siya ng trabaho.

Maging ang kanyang clinic ay inatake at na-vandalise.

Dahil sa pangyayari ay napilitan siyang umalis ng China hanggang sa maghiwalay pa sila ng kayang mister.

Noong 1991 nagtatrabaho sa Chinese province ng Henan si Dr Wang at naka-assign sa plasma collection station.

Noong panahong ‘yon ay uso pa ang pagbebenta ng mga local ng kanilang dugo sa local government-run blood banks.

Pero hindi nagtagal napansin niya na mali ang sistema lalo na ang collection practices na lalong nagpapakalat sa hepatitis C sa ibang mga donors.

Sa kabila ng kanyang babala sa kanyang mga senior ay binaliwala lamang siya kaya idinulog na niya ito sa Ministry of Health.

Ang kanyang hakbang ay naging daan upang higpitan ang proseso at isinasailalim na sa hepatitis C screening ang mga donors.

Bunsod ng kanyang expose ay nawalan siya ng trabaho.

Nailipat siya sa isang health bureau.

Pero noon namang taong 1995 ay nadiskubre niya ang isang donor na positibo sa HIV pero nagbebenta pa rin ng dugo sa Henan province.

Tulad noong una ay hindi rin siya pinakinggan ng kanyang mga opisyal.

Dito na siya nagdesisyon na sariling gastos na ang pagbili niya ng mga test kits na kadalasan ay nakokolekta sa mahigit 400 samples mula sa mga donors.

Nalaman din niya na lomolobo na ang HIV positive rate hanggang 13%.

Matapos maalarma ay tumungo na siya ng Beijing para isumbong ang kanyang mga findings.

Pero nakaranas na naman siya nang pagkagalit maging sa mga opisyal ng health bureau at humantong pa sa pagsira sa kanyang mga kagamitan.

Noong taong 1996, iniutos ng pamahalaan ang pag-shutdown ng mga blood at plasma collection sites sa iba’t ibang panig ng China dahil sa pagkaalarma na pagkalat pa ng HIV.

Ang ginawa ni Dr. Wang ay hindi nagustuhan ng ilan at maging ang kanyang mister ay dumanas nang pagbabanta sa opisina nito hanggang sa sila ay maghiwalay.

Taong 2001, nang magtrabaho na lamang si Dr Wang sa Estados Unidos sa ilalim ng bagong pangalan na “Sunshine”.

Sa panibagaong buhay ni Wang doon na siya sa Amerika nakapag-asawa muli.

Dahil sa kabayanihan niya bilang “public health hero” ibinatay sa kanyang buhay ang play na pinapalabas ngayon sa London.