Balik na sa normal na operasyon ang Hong Kong airport ngayong umaga matapos kanselahin kahapon ang mga flights dahil sa pagpapatuloy ng mga protesta sa paliparan doon.
Nitong Lunes nang mapasok ng libu-libong mga demonstrador ang Hong Kong International Airport, rason para mapilitan ang ilang mga airline companies na kanselahin na ang kanilang mga outbound flights.
Ayon sa isang airport official, ipinagpatuloy na nila ngayong umaga ang check-in ng mga pasahero, at ibabalik na ang flights sa loob ng isang oras.
Sa ngayon, mangilan-ngilan na lamang din daw mula sa mahigit 5,000 pro-democracy protesters na nagsagawa ng mapayapang pagkilos kahapon ang nananatili sa gusali sa kasalukuyan.
Itinuturing na major travel hub ang Hong Kong airport kung saan halos mahigit 1,000 pasahero ang lumalabas at pumapasok dito.
Gayunman, lumalaki ang pangamba ng ilang mga investors at business leaders dahil sa peligro ng 10 linggo ng anti-government demonstrations na mistula raw na hindi pa matatapos.
Sinasabi ng ilang mga eksperto, sakaling hindi pa maayos ang kalagayan ng lungsod ay maaari umanong manghimasok na ang China.
Una nang napaulat na nagtitipon-tipon sa border ng Hong Kong at China ang ilang mga unit ng armadong pulis.
Naghayag na rin ng kanilang mga pagkabahala ang ilang mga world leaders, gaya nina Justin Trudeau ng Canada at Scott Morrison ng Australia dahil sa lumalalang political crisis.
Inalmahan ni Morrison ang paglalarawan ng Beijing sa mga ralyista bilang “terorista,” sa pagsasabing: “That is certainly not the rhetoric that I would use to describe those events.”
Hinimok naman ni Trudeau ang mga Chinese authorities na pahupain ang tensyon sa mapayapang paraan.
“We see the need for de-escalation of tensions, we need to see the local authorities listening to the very serious concerns brought forward by Chinese citizens,” ani Trudeau.
“We are calling for peace, for order, for dialogue … we certainly call on China to be very careful and very respectful in how it deals with people who have legitimate concerns in Hong Kong,” dagdag nito.
Sa kabilang dako, kinukuwestiyon ngayon ang Hong Kong authorities matapos ang umano’y paggamit nila ng bagong taktika upang mas mapadali ang kanilang paghuli sa mga ralyista sa lungsod.
Ilan daw sa mga ito ay nagpanggap bilang mga raliyista at nakisama rin sa pag-aalsa.
Target umano ng decoy operation na ito ang mga demonstrador na patuloy na nagdudulot ng kaguluhan sa Hong Kong.
Depensa naman ng Deputy Commissioner ng Hong Kong police na mas mabuti na raw na ganito ang gawin nilang hakbang dahil mas marami raw na inosenteng mamamayan ang nadadamay sa paggamit nila ng tear gas at baril upang mapigilan lamang ang mga nag-aalsa.
Hindi naman ito nagbigay pa ng karagdagang impormasyon kung ilang pulis ang kanilang idineploy at kung kailan ito nagsimulang gawin.
Dahil dito, ilang rights groups at democracy activists ang inakusahan ang mga otoridad ng paggamit ng dahas bago hulihin ang kanilang mga kasamahan.
Nanawagan naman ngayon ang mga nagpoprotesta ng imbestigasyon hinggil sa bagong taktika ng pulisya.