-- Advertisements --

VIGAN CITY – Mahigpit ang payo ng konsulada ng Pilipinas sa Hong Kong sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) na huwag muna silang magtungo sa mga lugar kung saan isinasagawa ang mga kilos protesta, lalo na kapag day-off nila.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Consul General Antonio Morales na sinabihan nila ang mga Pinoy na maghanap muna ng ibang lugar kung saan sila puwedeng magpahinga at magkita-kita ng kanilang mga kaibigan upang makaiwas sila sa gulo dahil sa mga protestang nagaganap.

Tiniyak naman ni Morales na sa ibang mga lugar ay hindi naman magulo dahil sa mismong central district lamang ng Hong Kong isinasagawa ang mga kilos–protesta laban sa pag-amyenda ng kontrobersyal na extradition bill.

Maliban pa dito, inulit din ng consul general ang payo nila sa mga Pinoy sa Hong Kong na huwag silang maki-sali sa mga protestang nagaganap.

Nabatid na aabot sa 230,000 na Pinoy ang nasa Hong Kong kung saan karamihan sa mga ito ay mga domestic workers.