Malaki na umano ang naidudulot na pinsala ng patuloy na nagaganap na malawakang pag-aalsa ng mga mamamayan sa Hong Kong.
Muli na namang naantala ang serbisyo ng walong MTR stations sa lungsod matapos harangin ng mga raliyista ang mga pintuan upang pigilan ang pagsasara ng mga ito.
Bitbit pa rin ng mga ito ang kanilang panawagan na tuluyan nang iatras ang extradition bill at pagsasagawa ng imbestigasyon tungkol sa naging aksyon ng mga otoridad sa mga una nang naganap na kilos-protesta.
Sa pagharap ni Hong Kong leader Carrie Lam sa media, inamin niya na maraming kabuhayan na ang lubos na naaapektuhan dahil sa hindi matapos-tapos na pag-aalsa.
Aniya dapat daw ay irespeto ng mga raliyista ang karapatan ng ibang tao lalo na ang mga nasa working-class dahil sila raw ang nagdudusa.
Direkta ring umapela si Lam sa mga nagpo-protesta na isipin muna ang magiging dulot ng kanilang bawat hakbang sa mga kapwa nila mamamaya ng Hong Kong.
Sana raw ay maisip nila ang kapakanan ng pitong milyong tao sa kanilang lungsod na unti-unti nang nakakaramdam ng takot dahil sa kabi-kabilang karahasan.