Kasalukuyang nagpapagaling sa Prince of Wales Hospital ang isang sibilyan sa Hong Kong matapos itong buhusan ng gas at silaban ng apoy habang nasa kalagitnaan ng pakikipagtalo.
Kaugnay pa rin ito nang patuloy at mas lumalalang kilos-protesta sa lungsod kung saan daan-daang raliyista na ang nahuhuli.
Naging viral sa internet ang video kung saan makikita na mainit na nakikipagsagutan ang biktima sa isang raliyista nang bigla na lamang itong sunugin. Iniimbertigahan naman ng mga otoridad ang rason sa likod ng insidente.
Sa kabila nito, nagbabala si Hong Kong chief executive Carrie Lam sa mga anti-government protesters na hindi kailanman makakatulong ang kanilang ginagawang panggugulo upang makamit ang kanilang mga hinihiling sa gobyerno.
Mariin din nitong kinondena ang lumalalang kaguluhan na dulot ng mga nagpo-protesta. Aniya, prayoridad nito na gawin ang lahat upang matigil na ang karahasan at ang panunumbalik ng kaayusan sa Hong Kong.
Dagdag pa ni Lam, hindi nito susundin ang mga kahilingan ng mga raliyista at nagbigay babala rin ito sa mga kumakalat na balita sa internet na maaari umanong magbigay ng maling impormasyon sa mamamayan at magdulot ng panic sa mga ito.