Nagbabala si Department of National Defense (DND) Sec. Gilberto Teodoro na hahabulin ng mga kinauukulan ang mga hoarder at price manipulator kasabay ng transition ng bansa sa panahon ng tag-ulan.
Inisyu ng Defense chief na kasalukuyan ding tumatayong chairperson ng Presidential Task force on El Niño response ang naturang babala kasunod ng ikalimang pagpupulong ng task force na pinakilos para matugunan din ang mga epekto ng La Nina.
Ayon sa kalihim, nakahanda ang DND na magbigay ng suporta sa mga ahensiya na sangkot sa price monitoring ng basic necessities at prime commodities sa oras na magsimula na ang La Niña.
Sinabi din ni Teodoro na may pangangailangan na paigtingin ang price at supply monitoring efforts sa merkado para maprotektahan ang mga konsyumer mula sa profiteering sa gitna ng naturang weather phenomenon.