LEGAZPI CITY – Inerereklamo ngayon ng mga hog raisers ang bagsak na kita sa pagbebenta ng karneng baboy sa kabila ng papalapit na holiday season kung kailan mataas ang demand.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay AGAP Partylist Rep. Nicano Briones, epekto ito ng patuloy na importasyon ng pamahalaan ng karneng baboy na nagiging kakompetensya ng mga lokal na nag-aalaga ng baboy.
Ayon kay Briones, hanggang sa ngayon bagsak pa rin sa P170 ang farm gate prize ng kada kilo ng baboy na malayo sa nasa P200 na presyuhan nito sa merkado.
Imbes na bumili sa mga local hog raisers, mas pinipili ng mga traders na bumili na lang ng imported na karneng baboy.
Dagdag na problema pa ng mga magbababoy ang patuloy na paglobo ng presyo ng feeds at gastos sa pag-aalaga ng baboy dulot ng inflation.
Panawagan ng opisyal sa pamahalaan na iwasan na ang pag-imported ng karneng baboy mula sa ibang bansa at palakasin na lang ang lokal na produksyon.