CAUAYAN CITY – Dahil sa pagpa-panic ng mga hog raisers sa San Agustin, Isabela na dulot ng naitalang kaso ng African swine fever (ASF) sa dalawang bayan ng Isabela ay sabay-sabay silang nagkatay ng mga alagang baboy sa takot na maapektuhan ang kanilang mga alaga.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Ceasar Mondala, sinabi niya na nagdesisyon ang karamihan sa mga nag-aalaga ng baboy sa kanilang bayan na ipakatay ang kani-kanilang mga alaga dahil sa kaisipang sila ay mas malugi.
Sa kabila nito, bagsak tuloy ang presyo sa pagtitinda at pagpapautang na bunga ng malawakang pagkatay.
Aminado naman ang alkalde na sa kabila ng normal na kalakalan ng meat products sa pamilihang bayan ng San Agustin, kapansin-pansin din ang epekto dahil sa takot sa ASF.
Dahil sa pagkatay sa mga alagang baboy sa kanilang bayan ay hindi niya masisigurong sapat pa rin ang tustos ng karne ng baboy sa kanilang pamilihang bayan sa mga susunod na linggo.
Tiniyak naman ng punong bayan na lahat ng mga kinakatay na baboy sa kanilang bayan ay dumadaan sa pagsusuri ng meat inspector.
Nananatili pa rin ang checkpoint at pagpapatupad ng lockdown o pagbabawal ng pagpasok at paglabas ng mga karne ng baboy at maging ang buhay na baboy sa kanilang bayan.