GENERAL SANTOS CITY – Inaasahan anumang araw mula ngayon ang pagpapalabas ng Department of Justice (DOJ) ng hold departure order (HDO) laban sa founder ng Kabus Padatuon o KAPA Communinity Ministry International Inc., na si Joel Apolinario.
Batay ito sa isang reliable source ng Bombo Radyo GenSan mula sa National Bureau of Investigation (NBI).
Sinasabing kasalukuyan na ring tinutunton ang kinalalagyan ni Apolinario.
Ito’y makaraan ang isinagawang search operation sa mga KAPA offices sa iba’t ibang lugar sa bansa nitong Lunes, pati sa kaniyang pamamahay sa GenSan.
Pinaniniwalaan namang nag-leak ang impormasyon kaugnay sa nasabing operasyon bago pa man ito ipinatupad noong Lunes.
Ito umano ang dahilan kaya’t halos wala nang ebidensyang nakuha maliban sa isang puting bullet proof na sasakyan sa kaniyang tirahan sa lungsod, na pagmamay-ari umano ni Apolinario, pati na rin sa mga tanggapan ng isa pang investment group na ALAMCCO.
Makaraan ang raid ay hindi naman mahagilap ngayon ang KAPA founder.
Una nang inihayag ni Justice Sec. Menardo Guevarra na anumang araw ay inaasahang aarestuhin na si Apolinario at mga opisyal ng nasabing investment scam.
Habang sa press conference din nitong Martes, kinumpirma ni NBI spokesperson Ferdinand Lavin na inaasahang magsasampa sila ng syndicated estafa laban kay Apolinario at mga opisyal ng KAPA.
Samantala, kaugnay sa umano’y planong magsagawa ng prayer rally ng mga KAPA members sa GenSan ay bigo silang makapagdaos ng demonstrasyon sa Oval Plaza matapos na hindi binigyan ng permit ng lokal na pamahalaan para sa Hunyo 12.
Magiging conflict umano ito sa programang isasagawa kaugnay sa pagdiriwang ng Independence Day sa nasabing venue.
Subalit binigyan din sila ng mayor’s permit para sa kanilang prayer rally sa Hunyo 14, sa Pedro Acharon Sports Complex.