Hiniling ng Department of Justice ang paglalabas ng hold departure order laban kay Pastor Apollo Quiboloy.
Ito ay upang tiyakin na hindi makakalabas ng bansa ang puganteng pastor para takasan ang mga kasong kaniyang kinakaharap dito sa Pilipinas.
Sa gitna ito ng patuloy na ginagawang manhunt operation ng kapulisan at iba pang mga otoridad laban kay Quiboloy.
Ayon kay DOJ Spokesperson, Asec. Mico Clavano, sa ngayon ay nakapaghain na aniya ng mosyon ang mga prosecutor na may hawak sa mga kasong kinakaharap ng pastor.
Kasabay ng paliwanag na ang hakbang na ito ay bahagi at alinsunod pa rin sa normal na legal processes na kadalasang ginagawa ng prosekusyon.
Samantala, batay aniya sa impormasyong natanggap ng DOJ ay pinaniniwalaang nasa Pilipinas pa rin hanggang ngayon si Quiboloy.
Matatandaang ipinag-utos ng mga regional trial court sa Davao City at Pasig City na arestuhin si Kingdom of Jesus Christ Pastor Apollo Quiboloy matapos itong maharap sa mga kasong may kaugnayan sa human trafficking violation at paglabag sa Anti-Child Abuse Law ng Republic Act No. 7610.