Inaatasan ng Department of Labor and Employment )DOLE) ang mga employers sa pampribadong sektor na ibigay na ang ipinagpaliban na holiday pay benefits ng kanilang mga empleyado bago matapos ang kasalukuyang taon.
Una nang naglabas ang DOLE ng ilang patakaran ukol sa holiday pay kung saan binigyan nito ang mga kumpanya ng pagkakataon upang pansamantalang ipagpaliban ang pagbibigay ng holiday pay.
Ito ay maaaring magtagal hanggang sa oras na tuluyan nang humupa ang national health emergency at muling makabangon ang ekonomiya ng bansa dulot ng coronavirus pandemic.
Kung maaalala, first quarter pa lang ng taong 2020 ay nahihirapan na ang ekonomiya ng Piliponas dahil sa implementasyon ng quaratine measures. Nagpatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila at iba pang high-risk areas mula Marso 17 hanggang May 15, at sinundan naman ito ng modified enhanced community quarantine (MECQ) hanggang May 31.
Hunyo 1 nang bahagyang luwagan ang quaratine restrictions sa ilalim ng general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila at mga kalapit na probinsya, subalit muling binalik sa MECQ simula noong Agost 4 hanggang Agosto 18.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, ang pagbibigay ng holiday pay at 13th month pay sa mga empleyado ay dapat sundin ng mga employers dahil ito ay kanilang obligasyon.
Binigyan umano ng ahensya ng palugit ang mga employers na pansamantalang ipagpaliban ang mga kinakailangang bayaran na benepisyo at holidays ngunit ngayon ay kailangan na itong bayaran.
Aniya, nabigyan na ang mga ito ng kaunting pahinga o leeway para i-settle ang naturang paksa. Kawawa naman daw kasi ang mga empleyado na umaasa lang sa kanilang holiday pay kung pagkakaitan pa ang mga ito.
Sa oras na hindi sumunod ang isang kumpanya sa utos ng DOLE, ayon kay Bello ay sasailalim ito sa imbestigasyon.