Sadyang malabo na umanong magdedeklara ng tigil-putukan ang pamahalaan sa New People’s Army (NPA) ngayong Kapaskuhan.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, palaging sinusunod ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng kanyang security officials.
Ayon kay Sec. Panelo, sa kanyang pagkakaalam ay ayaw na ng defense at security officials na magdeklara pa ng Suspension of Offensive Military Operations (SOMO) sa NPA dahil hindi naman sinsero ang mga rebeldeng maipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan.
Hindi naman masabi ni Sec. Panelo kung maglalabas pa ng opisyal na pahayag o deklarasyon si Pangulong Duterte kaugnay dito.
Una nang sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, hindi ititigil ng militar sa kanilang operasyon laban sa komunistang grupo na patuloy sa paghasik ng karahasan.
Halimbawa rito ang ginawang pananambang sa mga pulis at sibilyan sa Borongan, Eastern Samar.
Ayon sa kalihim wala namang ibinigay na direktiba ang Pangulo sa AFP hinggil sa muling pagbubukas ng peacetalks sa pagitan ng gobyerno at CPP-NPA-NDF.
Ikinatuwa rin ng kalihim at AFP ang pahayag ng Pangulo na durugin na ang mga terorista at criminal groups na nag-o-operate sa bansa.