Labis na umanong apektado ang mga day off ng maraming overseas Filipino workers (OFW) sa Hong Kong dulot ng nararanasang karahasan at tensiyon.
Iniulat sa Bombo Radyo ni Mar de Guzman mula sa Hong Kong, ang weekend day off kasi ay mistula itong holiday para sa kanila pero hindi na rin ito na-e-enjoy ng mga kababayan.
Marami raw sa kanila ang takot na ring lumabas dahil baka mahirapang makabalik sa kanilang mga amo bunsod na baka magkaproblema sa transportasyon.
Tulad na lamang ng pangamba na baka ma-take over ng mga protesters ang mga kalsada at trains.
Karamihan kasi sa mga OFW ay stay-in sa kanilang pinagtatrabahuan.
Tinatayang nasa 240,000 ang mga nagtatrabahong Pinoy sa Hong Kong Administrative Region.
Ayon pa ka De Guzman, nagpadagdag sa tensiyon sa siyudad ang kakaibang istilo na rin na ginagawa ng ilang mga protesters tulad nang pag-okupa sa ilang unibersidad.
Napansin din daw nito na may ilang mga protesters ang hindi na rin umuuwi at natutulog na lamang sa mga kalsada, trains, footbrige at sa ilang eskwelahan.
Ang ilang unibersidad ay ginawa pang training ground, katulad na lamang kung paano makipagbanggaan sa riot police o kaya maghagis ng petrol bombs.
Una rito, nagpaabot ng mensahe si Philippine Consul General Raly Tejada sa mga kababayan na maging alerto ng husto lalo na kung lalabas. Pero aniya hangga’t maaari manatili muna sa mga bahay kung wala namang importanteng gagawin sa labas.
“Kung kinakailangang lumabas sa hindi maipagpalibang kadahilanan, pinapayuhan na maging lubhang alerto, mapagmatyag, at planuhing mabuti ang paglalakbay. Huwag ding magsuot ng itim o puti na pang-itaas na kasuotan. Para sa biglang pangangailangan, tumawag po lamang sa PCG Hong Kong Hotline: (+852)915-4023.”
Nitong Lunes ay maraming mga raliyesta ang inaresto ng mga otoridad sa Hong Kong Polytechnic University (PolyU) na nasa southern tip ng Kowloon peninsula na naging sentro rin maraming bayolenteng anti-government protests.
Ang mga protesters na nagtangkang umalis mula sa unibersidad ay ginamitan ng tear gas at rubber bullets.
Nitong Martes, tinatayang nasa 300 pang mga protesters ang na-trap at nagtatago sa Polytechnic University.
Kasabay nito, inanunsiyo rin ng China State Council ang pagtalaga kay Tang Ping-keung bilang bagong Commissioner of Police ng Hong Kong Administrative Region.
Pinalitan niya si Lo Wai-chung batay na rin sa kahilingan ni Hong Kong Chief Executive Carrie Lam.
Agad na iniutos ni Tang ang patuloy na crackdown sa mga naghahasik ng karahasan para maibalik daw ang kapayapaan sa lungsod.