Iginiit ni Senador Sherwin Gatchalian na kailangan ng holistic approach para epektibong maisakatuparan ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipagbawal ang lahat ng operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa sa pagtatapos ng taon.
Binigyang-diin ni Gatchalian na hindi lamang dapat nakatuon ang pansin sa mga POGO na lisensyado ng Philippine Amusement and Games Corp. (PAGCOR) dahil marami pa rin aniya ang mga POGO na ilegal na tumatakbo, tulad ng sinabi ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na umaabot pa sa higit dalawang daan ang bilang.
Ayon sa senador, kahit na ipatigil ang mga lisensyadong POGO pero hindi naman nahahabol ang mga ilegal, mananatili pa rin ang operasyon ng POGO sa bansa. Hindi magiging epektibo aniya ang pagsasara kung magpapatuloy pa ang mga scam na ginagawa nila.
Dagdag pa riyan, sinabi rin ng mambabatas na dapat makipag-ugnayan ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa PAGCOR upang alamin ang halaga ng gross gaming revenue (GGR) ng bawat Internet Gaming Licensee (IGL), ang bagong termino na ipinalit sa POGO.
Ani Gatchalian, natukoy sa mga nakaraang pagdinig ang kakulangang P2 bilyon hanggang P5 bilyon na dapat na nakolekta ng gobyerno, kasunod ng pagkakaiba o discrepancy sa pagitan ng GGR na idineklara ng mga POGO sa PAGCOR at ng GGR na isinumite sa BIR para malaman kung magkano ang dapat bayarang buwis.
Nagbabala din si Gatchalian sa hindi tugmang bilang ng alien employment certificates (AEP) na inisyu ng Bureau of Immigration (BI) at ang bilang ng mga work permit ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga foreign nationals na nagtatrabaho sa mga POGO.
Noong Hulyo 2024, iniulat ng PAGCOR na may naitalang 26,431 foreign nationals na nagtatrabaho sa mga POGO. Pero batay naman sa rekord ng DOLE, 15,819 lamang ang inisyu nitong AEPs.