-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Pinaghahandaan na ngayon sa Pikit, Cotabato ang nalalapit na buwan ng Ramadhan.

Kaugnay nito, isang pagpupulong ang isinagawa kamakailan sa pangunguna ni Pikit Vice Mayor Muhyryn Sultan-Casi kasama ang mga Muslim Religious Leaders sa bayan.

Katulad ng nakagawian nitong nakaraang taon, bibigyan ng pagpapahalaga ang buwan na ito sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga gawain o aktibidad na lalahukan ng iba’t ibang pangkat o sektor ng Muslim leaders sa Bayan ng Pikit, kasama ang ating mga kapatid nating Kristiyano at Indigenous People o Lumad.

Hinikayat naman ni Mayor Sumulong K. Sultan ang lahat ng grupo sa bayan na makilahok sa lahat ng aktibidad na naayon sa katuruan ng Islam upang sama-samang ipagdiriwang at ipagbunhi ang isa sa pinakamahalagang Buwan ng Muslim Ummah sa buong daigdig.

Sa isinagawang pagpupulong ay binigyan din ng pagkakataon ang mga Muslim religious leaders na maglatag ng programa o activity na nais nilang maisakatuparan sa pagdiriwang ng mahalagang Buwan ng Ramadhan.

Ang buwan ng Ramadhan ay isa sa mga pinakamahalagang Buwan ng Muslim Ummah.

Ngayong taon, mag-uumpisa ang pag-aayuno sa April 2, 2022.