-- Advertisements --
Screenshot 2019 04 17 13 06 04
IMAGE | Transport officials headed the Joint Terminal Inspection in NAIA Terminal/Photo by MIAA

Patuloy ang pagdating ng mga pasahero rito sa Araneta Center Bus Terminal at mga kalapit pang istasyon ng bus dito sa Quezon City kasabay ng huling araw ng pasok bago mag-Holy Week break.

Bagamat karamihan sa mga pasahero ay may ticket at naghihintay na lang ng kanilang biyahe, ay may ilan pa ring nagtangkang sumabay bilang chance passenger.

Ilang bus lines kasi ang kagabi pa nag-anunsyo ng fully booked na mga biyahe.

Pareho rin ang sitwasyon sa mga terminal ng bus sa Pasay City at Maynila.

Sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) naman, kataka-taka na mas naging maluwag ngayon ang sitwasyon at mabilis ang daloy sa check-in process, partikular na sa Terminal 3.

Maaga ng nag-abiso ang pamunuan ng paliparan hinggil sa posibleng delay ng flights, pero sa ngayon ay wala pang inilalabas na advisory ang airline companies hinggil sa mga delays na aasahan sa maghapon.

Sitwasyon naman sa mga expressway, ngayong tanghali daw inaasahan ng North Luzon Expressway na bubuhos ang mga motorista papuntang Norte dahil karamihan sa mga opisina ngayon ay half day ang pasok.

Sa South Luzon Expressway, kataka-taka rin na maluwag ang southbound o yung papuntang Laguna at Batangas kumpara sa northbound na papasok ng Makati at Maynila na nakakaranas ng masikip na daloy, partikular na sa bahagi ng Alabang hanggang Sucat.

Kaugnay nito, lumakad na ang mga kawani ng Land Transportation Office para sa kanilang Oplan Semana Santa.

Samantala, sa patuloy din na monitoring ng Philippine Coast Guard nasa halos 25,000 pasahero na rin sa mga pantalan ng buong bansa ang nakapag-layag mula kaninang hatinggabi.

Nagpaalala rin ito sa mga maglalayag pa lang na umiwas sa mga fixers o hindi lehitimong nagbebenta ng ticket sa mga barko at bangka.