BUTUAN CITY – Pormal nang inilunsad sa Sitio Amongon, Brgy. Noli, Bayugan City, lalawigan ng Agusan del Sur ang Home Defense Village para sa 30 mga dating rebeldeng New People’s Army (NPA) na sumuko na sa mga otoridad.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni PMajor Renel Serrano – information officer ng Police Regional Office (PRO-13), ang nasabing village ay may lawak na 9-ektarya na maari ding taniman para kanilang pangkabuhayan.
Tuturuan ang dating mga rebelde sa pagtanim ng mga taga – Department of Agriculture (DA) Caraga; at iti-train din ng mga tauhan ng Technical Education Skills and Development Authority (TESDA) at iba pang ahensya ng pamahalaan.
Ngunit nilinaw ni Major Serrano na pilot project pa lang ito dahil may iniilaan din ang lokal na pamahalaan ng Bayugan City na 350-ektaryang lupa na paghahatian ng 50 mga dating rebelde kung saan tigpipitong ektarya sila.
Ang inisyatiba ni PRO-13 regional director Joselito Esquivel Jr., na suportado ng Bayugan-LGU at iba pang ahensya ng gobyero at para lamang sa mga dating rebelde upang mabigyan ng katuparan ang kanilang pagbabagong-buhay kasama ang kani-kanilang pamilya at mamumuhay na normal na hindi na magtatago pa sa batas.