VIGAN CITY – Pinaplantsa na ng local government unit ng bayan ng Alilem, Ilocos Sur ang isasagawa nilang homecoming para sa class valedictorian ng Philippine Military Academy (PMA) Mandirigma ng Bayan, Inaalay ang Sarili, Lakas at Tapang para sa Kapayapaan (MABALASIK) Class of 2019 na tubo sa nasabing bayan.
Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan mula kay Alilem Mayor Mar Ruel Sumabat, sinabi nito na bukod sa homecoming na pinaplano nila para kay Cadet 1CL Dionne Mae Umalla, pinag-iisipan na rin umano nila kung anong mga pagkilala ang kanilang ibibigay sa nasabing kadete.
Ayon kay Sumabat, dahil kay Cadet Umalla ay nakilala ang kanilang bayan na isa sa mga upland municipalities ng Ilocos Sur na hindi gaanong kilala ng publiko dahil sa layo nito mula sa sentro ng lalawigan na lungsod ng Vigan.
Maliban pa dito, tiniyak din ng nasabing alkalde na nakahanda umano ang LGU-Alilem na sumuporta kay Umalla sa tatahakin nito bilang bagong miyembro ng Philippine Navy sa kaniyang paglabas sa akademiya.
Nabatid na ang kadete ang siyang nanguna sa PMA MABALASIK Class of 2019 mula sa 263 graduates at ikalimang babaeng kadete na mangunguna sa kaniyang batch mula pa noong 1999.