CEBU CITY – Inabisuhan ngayon ang mga motorista na maghanap ng alternatibong ruta dahil isasara ang ilang kalsada sa lungsod para bigyang-daan ang opening parade ng Palarong Pambansa 2024 ngayong hapon, Hulyo 9.
Sa inilabas na abiso ng Cebu City Transportation Office, magpapatupad ng mga pagsasara ng kalsada sa mga pangunahing ruta ng parada simula ngayong alas-12 ng tanghali.
Ang rerouting scheme na ito ay upang matiyak na makakarating pa rin ang mga motorista sa kanilang mga destinasyon kahit na may bahagyang abala sa trapiko.
Isasara ang kalsada sa Osmeña Blvd mula sa kanto ng J. Llorente St. hanggang sa P. Del Rosario St., B. Rodriguez St. mula sa kanto V. Rama Ave. hanggang sa Fuente Osmeña; at sa Fuente Osmeña Rotunda.
Pinayuhan naman ang mga operators ng mga tradisyunal at modern public utility jeepney na iwasang dumaan sa mga nabanggit na rutang ito upang maiwasang maipit sa traffic.
Samantala, inihayag pa ng mga lokal na organizer na itinuturing na mahalaga ang homecourt advantage para sa lahat ng nasa larangan ng sports.
Inaasahan pa umano itong makakatulong na mapabuti ang ranking.
Ayon pa kay Department of Education- Cebu City Assistant Schools Division Superintendent Dr. Adolf Aguilar na kung sa larangan ng archery ang pag-uusapan ay nangunguna pa umano ang rehiyon at pinaghahandaan din ng mga atleta ang iba pang mga sports.
Ibinunyag naman ni Aguilar na limitado lang ang space sa mga bleachers sa loob ng Cebu City Sports Center at marami umanong panauhin mula sa buong bansa ang nakakuha na ng ticket para sa opening ceremony.
Napagpasyahan din aniya nila na sa pagsapit ng alas 2 ng hapon kapag lahat ng may tiket ay hindi pa dumating ay bubuksan nila ang gate sa publiko sa ‘first come first serve basis’ upang matiyak na mayroong full capacity ang grandstand.