Pinalakas pa ng Department of Education (DepEd) ang kanilang homeschooling program bilang isang alternative delivery mode (ADM).
Sa isang pahayag ay sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na bukod aniya sa kasalukuyang interbensyon na isinasagawa ng kagawaran ay pinalakas din nila ang kanilang Homeschooling Program upang matiyak na may pagpipilian ang mga mag-aaral sa pagkamit ng dekalidad na edukasyon.
Makakatulong aniya ito sa mga estudyanteng mas nangangailangan ng regular na parental support at supervision, lalo na sa panahon ngayon na kumakaharap sa public health crisis ang Pilipinas.
Kaugnay nito ay in-update rin ng ahensya ang mga alituntunin, pamantayan, at pamamaraan sa ilalim ng DepEd Order No. 001, s. 2022, na nagbibigay ng opsyon sa pamilya sa pagpapasya at pagtugon sa mga access issue ng kanilang mga anak.
Nakasaad sa mga binagong polisiya na dapat ay nakatuon ang pagtuturo sa Most Essential Learning Competencies (MELCs) kung ang bansa ay mananatiling nasa ilalim ng state of emergency.
Kung sakaling hindi na gagamitin pa ang mga MELC sa mga susunod na school year ay tsaka naman ipapatupad ang K t 12 Curriculum para sa programa.
Binibigyang-diin din sa naturang order ang responsibilidad ng mga magulang o guardian sa pagsusubaybay sa work at progress ng kanilang mga anak.
Samantala, Inatasan naman ng DepEd ang mga school heads na magtalaga ng isang homeschool coordinator na siyang mamamahala sa page-enrol ng mga mag-aaral, pagsusubaybay sa kanilang progress, at pagsuporta sa mga magulang o guardian sa panahon ng implementasyon nito.
Ang mga nag-aaral sa homeschool ay dapat ding bigyan ng mga aklat-aralin at mga module sa print o digital format, gayundin ng isang kaaya-ayang learning space sa bahay at isang learning plan na may learning area, learning competencies, at learning tasks.
Kinakailangan naman na kumuha ng National Career Assessment Examination at ng National Achievement Test ang mga mag-aaral na naka-enrol sa naturang programa upang matukoy ang kanilang academic level, strengths, weaknesses.
Sa pamamagitan din nito ay matutukoy ang kaalamang natutunan ng isang estudyante sa loob ng buong schoolyear.
Maaaring i-alok ang homeshool program saparehong pampubliko at pribadong paaralan bilang isang alternative delivery mode (ADM).
Ang mga pribadong paaralan ay kinakailangang kumuha ng permiso para mag-alok ng programa habang ang mga pampublikong paaralan ay dapat kumuha ng awtorisasyon mula sa isang regional officer.
Taong 1997 unang ipinakilala ang homeschooling program sa bansa bilang isa sa mga alternative delivery mode (ADM) na iniaalok sa mga paaralan para sa mga mag-aaral na hindi makakapasok sa formal school dahil sa mga kondisyong medikal o kalagayan ng kanilang mga pamilya.