-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Nagbubunyi ang pamilya kabilang na ang mga opisyales ng pamahalaan sa hometown ng valedictorian sa Philippine Military Class of 2021 sa kanyang pangunguna sa lahat nga mga kadete na magtatapos nitong Mayo 10.

Si Cadet First Class Janrey Artus ay anak ng isang dating sundalo at retired teacher na tubong Barangay Guintorilan, San Enrique, Negros Occidental.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod sa ama nito na si Florencio Artus, achiever si Janrey simula noong bata pa ito kaya’t tiwala ang mga ito na makakaya nitong magtapos sa PMA with flying colors.

Ang summa cum laude ng PMA MASALIGAN Class of 2021 ay pangatlo sa apat na magkakapatid at magtatapos na sa BS Chemical Engineering sa University of the Philippines Visayas – Miagao Campus bilang cum laude nang makapasa ito sa PMA admission test.

Ayon naman sa ina na si Jocelyn Artus, tiwala ito sa kakayahan ng kanyang anak dahil masinop ito sa pag-aaral simula pa noong ito ay nasa elementarya pa lamang.

Maliban dito, masunurin din aniya ang kanyang pangatlong anak kaya’t suportado nila ito noong siya ay nagdesisyong hindi na tatapusin ang BS Chemical Engineering at papasok nalang sa PMA.

Ayon sa inang Artus, kumuha noon ang kanyang anak ng scholarship para malibre ang kanyang pag-aaral at makapagpatuloy na rin sa pag-aaral ang kanyang nakababatang kapatid.

Samantala, proud rin si San Enrique Mayor Jilson Tubillara na nagmula sa kanilang bayan ang summa cum laude sa PMA MASALIGAN Class of 2021.