BACOLOD CITY – Nakatakdang bigyang pagkilala ng lungsod ng Silay sa lalawigan ng Negros Occidental ang tapat na taxi driver na nagsauli kamakailan ng perang naiwan ng kanyang mga German na pasahero sa pamamagitan ng Bombo Radyo Bacolod.
Kinumpirma ni Silay City Mayor Mark Andrew Golez, na sa flag raising ceremony nila nitong araw bibigyang pagkilala ang taxi driver na si Jhowny Camolista ng Brgy. E-Lopez, Silay.
Si Camolista ang nagsauli ng P175,000, $50 at ilang dokumento ng kanyang mga pasahero na sina man Thomas Shick, 71, at Jutta Schick, 57, parehong mga German nationals ngunit anim na buwan ng nakatira sa Sipalay, Negros Occidental.
Maliban sa komendasyon, bibigyan din ng P5,000 cash si Camolista.
Kinumpirma rin ni Mayor Golez na gagawin nilang job order casual sa city hall ang anak nito at bibigyan din ng house and lot sa Habitat for Humanity ng lungsod.
Ngunit ayon kay Mayor Golez, kailangang makumpleto ng anak ni Camolista ang mga requirements upang makuha nito ang house and lot.
Binigyang-diin ng alkalde na ang pagbibigay nila ng pagkilala kay Camolista ay dahil magandang ginawa nito.
Maalalang noong nakaraang Pebrero 4, sumakay ang mag-asawa kay Camolista na nanggaling sa isang depot sa Talisay City at nagpahatid sa Bacolod nang maiwang ng mga ito ang kanilang bag na may laman na pera at dokumento.
Kaagad naman na dinala ni Camolista ang bag sa Bombo Radyo Bacolod kung saan tinawagan ang mga may-ari nitong mga dayuhan at sinauli ang pera at mga dokumento.