-- Advertisements --

Nanawagan si Honeylet Avanceña, asawa ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ng konsiderasyon at awa para sa 80-anyos na dating lider na kasalukuyang nakakulong sa Scheveningen Prison sa The Hague, Netherlands.

Ginawa ng dating First lady ang panawagan matapos ang pagtitipon ng mga tagasuporta ng dating Pangulo kaugnay sa unang buwan ng pagkakakulong ni Duterte sa International Criminal Court (ICC), kung saan emosyonal na ibinahagi ni Avanceña ang kalagayan ni Duterte.

‘Maawa na lang. Awa na lang. Huwag nyo na lang respetuhin, awa na lang. Tutal nag serbisyo naman ‘yan di ba,’ maluhang pahayag ni Honeylet.

Dumalo rin sa pagtitipon sina dating presidential spokesman Harry Roque, dating executive secretary Salvador Medialdea, at abogado ni Duterte na si Martin Delgra.

Inihalintulad naman Roque ang sinapit ni Duterte sa pamilya Marcos na naipatapon noon, ngunit aniya, si Duterte ay iniiyakan at minamahal pa rin ng mga Pilipino.

Nagsagawa din ang mga ito ng candle-lighting at prayer vigil, habang umaawit ang mga tagasuporta ni Duterte ng ilang kanta, kabilang ang Immortality ni Celine Dion.

Maalalang inaresto si Duterte noong Marso 11 sa NAIA Terminal 3 pagbalik niya mula Hong Kong, at agad dinala sa The Hague.

Samantala nakatakdang humarap si Duterte sa ICC Pre-Trial Chamber I sa Setyembre 23, 2025 para sa kumpirmasyon ng mga kasong crimes against humanity of murder kaugnay ng kaniyang kontrobersyal na ‘war on drugs’.