Nakahanda na ang ilang airport officials na magbawas ng scheduled flights na papasok at lalabas sa Hong Kong bilang kanilang paghahanda sa mas malala pang kilos-protesta sa mga susunod na araw.
Ang hakbang na ito ay bilang tugon umano sa mga bagong pag-aalsa na inihanda ng mga anti-government demonstrators upang muling harangin ang serbisyo ng ilang major roads at rail infrastructures na patungong Hong Kong International Airport sa Lunes hanggang Martes.
Ilan sa contingency plan na napagkasunduan ng mga opisyal ay ang posibleng pagbawas sa bilang ng mga eroplano na papayagang lumabas at pumasok ng naturang paliparan.
Kung sakali raw na mas lalo pang lumalala ang maging kaganapan sa lungsod ay mapipilitan ang mga ito na pansamantalang isara ang Airport Express na walang kapalit na kahit isang shuttle bus at maaaring libo-libong pasahero ang maiwang stranded.
Samantala, inaresto naman ng mga otoridad ang mga Hong Kong pro-democracy activists na sina Joshua Wong at Agnes Chow dahil sa koneksyon umano ng mga ito sa malawakang rally.
Noong Huwebes naman ay una nang dinakip ng mga pulis ang independence campaigner na si Andy Chan sa suspetyang pakikisali sa gulo at pag-atake sa isang otoridad habang isinasagawa ang anti-parallel traders protest sa Sheung Shui district.