-- Advertisements --

Nauubusan na ng espasyo ang mga morgue sa Hong Kong dahil sa maraming mga biktima ang namamatay ngayon dahil sa COVID-19.

Batay kasi datos ay nakapagtala na ng halos isang milyong impeksyon ng COVID-19 habang nasa mahigit 4,600 naman ang mga naitalang namamatay sa Hong Kong ng dahil sa nasabing sakit sa loob lamang ng tatlong buwan simula nang tamaan ng highly transmissible variant ang bansa.

Dahilan kung bakit sa mga refrigerated shipping containers na lamang inilalagay ng mga manggagawa doon ang mga bangkay ng biktima ng nasabing virus.

Tinataya naman ng mga mananaliksik na ang bilang ng impeksyon sa Hong Kong ay mas mataas kaysa sa mga opisyal na numero, malamang na umabot na sa kalahati ng 7.4 milyong populasyon nito.

Ayon sa isang funeral industry representative, kasabay ng pagtaas ng bilang ng mga nasasawi sa lugar ay ang unti-unting pagkaubos na rin ng supply ng mga kabaong na sa ngayon ay nasa 300 na lamang ang natitira at inaasahang mauubos na sa pagtatapos ng linggong ito.

Sinabi naman ni Leader Carrie Lam na mayroong karagdagang mga kabaong ang nakatakdang matanggap ng Hong Kong mula sa mainland.

Samantala, galit naman ang natanggap ni Lam mula sa mga Chinese dahil isinisisi ng mga ito sa kanyang administrasyon ang pagdami ng bilang ng mga namamatay at sinasabi na ang pagkalat daw ng COVID sa mainland ay dahil sa mahinang epidemic response ng Hong Kong.